Article link: https://news.abs-cbn.com/life/10/16/22/typhoon-resistant-house-may-halagang-lagpas-p1-milyon-lamang
MAYNILA – Madalas daanan ng bagyo ang Bicol region, dahilan para mawasak ang maraming bahay at iba pang gusali doon.
Ito ang nagtulak sa isang dating set designer sa ABS-CBN, na taga-Bicol, na magdisenyo ng bahay na kayang manatiling nakatayo sa gitna ng malalakas na hangin tuwing may bagyo.
Ayon kay Gil Bien, naisip niyang gumawa ng “typhoon resistant” na bahay matapos mag-iwan ng matinding pinsala sa Bicol region ang Bagyong Rolly noong Nobyembre 2020.
“Nagkaroon ng [Bagyong] Rolly, may napanood ako sa clippings ng ABS sa Catanduanes fini-feature… Nag-decide ako gagawa ako ng bahay na malakas na puwedeng mag-withstand sa malakas na hangin,” kuwento ni Bien sa panayam ng “Good Job” sa Teleradyo ngayong Linggo.
Nagkakahalagang higit P1 milyon ang pagpapatayo sa nasabing bahay, na maaari aniyang matapos nang 2 hanggang 3 buwan lamang.
“Tinatayo ito offsite, tapos dinadala na lang sa site kung saan man. Then, ia-assemble,” paliwanag ni Bien.
Ayon pa sa kaniya, puwede ring magamit ang kaniyang disenyo para sa mga silid-aralan.
Bukas si Bien na ipagamit sa mga ahensiya ng gobyerno ang disenyo pero sa ngayo’y inaasikaso pa lang niya ang mga papeles para “makapag-engage” sa pamahalaan, lalo’t kakalunsad pa lang ng disenyo nitong Oktubre 1.
Nasa 20 ang average na bilang ng mga bagyong tumatama sa Pilipinas kada taon. Itinuturing din ang bansa bilang isa sa mga “most vulnerable nation” sa epekto ng climate change.
Leave A Comment